20.4.11

Respeto sir

Walang sinabi ang respetong nakuha dahil sa "posisyon" mo kung ikukumpara sa respetong nakamit dahil ibinigay ito nang kusa. Kung gusto mo talaga ng respeto, matuto kang ring rumespeto ng iba kahit na hindi pantay ang katayuan nyo sa kumpanya o sa buhay. Bobo mo sir, kabadtrip ka.

Naalala ko tuloy yung dati kong manager sa pinagtatrabahuhan ko. Di ko alam kung durugista sya o may sayad lang talaga sa utak dahil kahit kelan di ko naintindihan ang ugali nya: minsan lakas trip, madalas mangmata. Pero kahit kelan di ko kinagat yung dahilan nya minsan na moody lang daw sya talaga at prangka.

Hindi lang iisang beses nya ako/kami nasabihang "tanga at iba pa" dahil lamang sa mga munting pagkakamali o di kaya kasi hindi nasunod ang mumunting detalye sa mga gusto nyang ipagawa kahit naman walang problema sa naging resulta ng trabaho namin. Maangas din sya sa mga baguhan. Ang lakas magpasikat sa mas nakakataas na halos fairytale na ang labas pero sa amin naman ibabato ang trabaho ng mga ibinida nya. Hahahaysss talaga.

Wala naman sakin kahit na ipangpronta mo yung posisyon mo para lang sabihin sakin kung sino ka, magpabida ka sa boss, maging objective, maging mapuna sa mga pagkakamali at maghangad ng napakataas pero ang manggago e ibang istorya na.

Kaya yun, marami kaming sabay-sabay na umalis sa trabaho pero bago yun, ilan kaming badtrip talaga ang humaharap sa kanya at sinabi sa mukha nya ang pagkabadtrip namin sa kanya. Pagkatapos komprontasyon ay pinakyu ko sya pagtalikod nya ahahaha pandagdag lang at pampagaan ng loob.

14.4.11

Time Traveler: The Girl Who Leaped Through Time

Kung makakabalik ka sa nakaraan, meron ka bang babaguhin?

Ang pelikula ay tungkol sa isang high school student na napag-utusan ng kanyang nanay na nakaimbento ng potion/chemical na pang-time travel; na bumalik sa taong 1972 para sabihin ang isang mensahe sa lalaking kasama nya sa isang litrato. Pero minsan may mga pangyayaring di naman sinasadya na maaaring magdulot ng malaking problema sa isang simpleng gawain tulad ng pagta-time travel. Malamang nangyari na sa iyo ito minsang pinabili ka ng toyo kina Aling Nena's store pero suka ang iyong binili. Parang ganun ang nangyari kay Akari. Problemado tuloy sya at hindi sya pwedeng umuwi sa kasalukuyan dahil siguradong kurot sa singit ang aabutin nya. Paktay ka diya!

Drama nga pala ang pelikula at meron itong anime version na nauna. Magkaiba ang kwento ng dalawa pero kahit na ganun ay pareho ko silang nagustuhan. Gusto ko kasi kung paano inilahad ang mga pangyayari: hindi nagmamadali, may konting suspense, subtle pero may kilig ang love story at maganda ang pagkabuild up ng mga characters.

Parang gusto ko tuloy magtime travel. Siguro naman kahit sino sa atin ay may yugto ng buhay na gustong balikan... madalas para may baguhin o di kaya'y gusto lang maulit ang pangyayari at karanasan. Ako, gusto ko bumalik sa panahon kung kelan katatapos lang maghilom ng pagkakatuli ko dahil simple lang buhay nun at hindi pa ako alipin ng teknolohiya. Sigurado akong magiging astig ako nun kesa sa mga pangkariwang bata (given na hindi nabura yung mga alaala ko tungkol sa present natin). Tapos ako ang magpapauso ng mga bagay-bagay tulad ng statement shirts at mga quotes/jokes kapag nauuso na ang cellphones. Susubukan ko naman pigilan ang pag-uso ng mga bagay na sa tingin ko ay korni gaya ng jejemon at ang pagpilit/pagarte na umiyak sa mga game shows para mabigyan ng pera. Bwahahahaha! Siguro dapat bumalik na ako sa aking laboratoryo para maisagawa ko na ang aking mga plano... teka, wala pa pala akong lab at mahina pa ako sa Physics. Siguro sa ngayon, pagbubutihin ko muna ang present ko para maganda ang maiwan kong past... pinapahulaan ko pa sa aking suking manghuhula yung future ko.

Kung gusto nyo ng pangmovie marathon ngayong Holy Week, maganda isama 'to sa listahan nyo pati na rin ang The Time Traveller's Wife at The Secret na isang Chinese/Taiwanese movie na kaperahas ng tema pero iba ang twist.


5.4.11

[Recycled] Holdap Holdap Holdap Ito!

Malamang marami sa atin ang at least naholdap na ng isang beses. Swerte kayo, kaso ako makailang ulit na. Di ko alam kung bakit ganun. Lagi ko ngang tinatanong ang mga kaibigan ko kung mukha ba akong rich kid kung pumorma (T-shirt na binili sa American Blvd dahil sale, lumang All-stars na sapatos at maong na pantalon) o mukha lang talaga akong madaling holdapin? Sagot nilang lahat ay yung pangalawa.

----

Pebrero 20, 2010

Photobucket
Sabado ng umaga, weekend na, araw na ng pahinga pagkatapos ng isang buong linggo na puro OT. Sabayan mo pa ng pay day, kaya nakapag-siopao kami ng katrabaho ko bago kami umuwi. Masaya kong sinalubong ang mainit na sikat ng araw ng alas otso ng umaga paglabas namin sa SM Annex. Tulad ng nakagawian, kwentuhan sa jeep ang eksena. Di ko alam, pero kampante na ako magkwento sa kanya hindi tulad ng dati. Walang tatawa, pero medyo nalungkot ako nung oras na para sya e bumaba.

Photobucket
Pero tama na ang rainbow and butterflies! Bad trip ako ngayon! Ampotaah!

Nakasakay ako sa jeep pauwi sa amin. Dahil sa stress na naipon ko (na mas malaki pa ata sa sinahod ko) at sa pagod eh halos makatulog na ako sa jeep. Umaga naman at marami kami kaya hindi ko alintanang maka-idlip man lang sa jeep. Pakiramdam ko e nasa duyan ako at inuugoy kaya lalo akong inantok kahit na ang totoo e parang nakikipagkarera si manong driver kay Vin Diesel at Paul Walker sa The Fast and The Furious. ZzZzZzz... Konting konti na lang ay makikipag-make out na sakin si Rhian Ramos sa panigip ko. Feel na feel ko yung kamay nya na humihipo sa kanang hita ko... ooohh Rhian Ramos... ohhh...
Photobucket

Photobucket
OH MAY GAHD! Naalimpungatan ako at sa pagkadismaya ko, hindi pala si Rhian Ramos ang pasimpleng sumusundot sa hita ko kundi si kuya manong na katabi ko. Meron syang malaking bag na nakapatong sa hita nya na halos na nakatakip na rin sa kanang hita ko at ramdam kong dahan-dahan nyang sinusundot yung coin purse ko sa bulsa. Hindi ako kinabahan, hindi ako nag-panic at lalong hindi ako nag-hysterical. Pasimple lang akong nag-unat at sadya kong kinapa yung bulsa ko para na rin ipaalam sa kanya na nabisto ko na sya. Tumalima naman sya at umayos, ako naman e umurong papalayo sa kanya at umarteng parang walang nangyari. Pikit na lang ulit baka balikan ako ni Rhian Ramos at baka sa pagbabalik nya e kasama si Arci Muñoz.

Photobucket
Pero ano to!?!

Crush ba ako ni manong?!? Heto na naman sya at nakatabi sakin ilang minuto lang ang lumipas. Sa pagkakataong iyon e pinagpipilitan na nyang makuha yung nasa bulsa ko. Dun na nagpanting ang tenga ko, tinabig ko na yung kamay nya. Pero dahil siguro sa nakita nyang para akong itik na may sakit at ang katawan nya ay halos 3 beses ang lapad sakin, imbes na mapahiya ay binulungan nya ako ng holdap. Dun ko na binuksan yung bag ko... para kumuha ng ballpen. Kitang kita ko kung pano sya nag-react sa ginawa ko. Ang akala nya siguro e masisindak nya ako, hindi nya alam e malaki ang galit ko sa mga holdaper at nanggigigil ako kapag nakakakita ako ng isa. Pinaglaruan ko yung ballpen sa kamay ko at pina-ikot-ikot. Dun na sya medyo lumayo sakin at halatang nag-alangan ng konti. Medyo humarap ako sa kanya at tumingin ng diretso sa driver, hindi ko sya direktang tinitingnan pero nakikita ko ang mukha nya. Ang sama ng tingin nya sakin at alam ko balak na nya akong banatan. Handa na ako para dun at kung magkakagulo man e wala na akong pakialam. Pagod ako, inaantok at ambaba ng sahod. Sa totoo lang nanginginig na ako nun hindi dahil sa takot o kaba kundi sa pagpipigil. Mahina nyang sinabi sakin,"Ano? Manananaksak ka?!" Hindi ko sya sinagot basta tumingin lang ako ng diretso kung saan sakop sya ng paningin ko para alam ko kung ano ang gagawin nya. Binuksan nya yung mga bulsa ng bag nya na parang may hinahanap. Patalim? Baril? Four Finger? O ballpen din siguro hahahahaha! Pero wala syang nakita, malas nya lang. Sinubukan kong kumanta para mapakalma ang sarili dahil baka hindi ko mapigilan ang sarili ko at masaksak ko sya, baka makasuhan pa ako, atleast kung sya ang unang gagalaw e pwede kong sabihin na self-defense yung ginawa ko kung magkaloko-loko. Eto pa ang masarap, yung pagkanta ko na yun e parang lalong nagpa-badtrip sa kanya. Maya-maya pa ay bumaba na sya ng jeep. Ang alam ko e malayo pa ang bababaan nya dahil nakita ko pa syang magbayad kanina. Ilag syang bumaba ng sasakyan habang ako naman e patuloy sa pagkanta. Bad trip si manong... bad trip din ako... Rhian bumalik ka huhuhuhuhu!
Photobucket

Photobucket
Pero kung tutuusin e pwede akong mapahamak nun. Pano kung may patalim pala si manong o kaya baril? Sapat bang kapalit ng kaligtasan ko yung P209.75 na nasa coin purse ko? Naisip ko na rin yun nang mga sandaling yun. Nung sabihan akong holdap ni manong e pwede ko namang ibigay ang coin purse ko. Wala naman dun yung sinahod ko kaya okey lang. Mukha lang yung maraming laman dahil sa barya, tiket sa bus, resibo sa mcdo at yung puso naming 3...

Heart of the puzzle ring

Sa totoo nyan, kung hindi lang yan nakalagay sa coin purse ko e nung una palang na naramdaman ko na dinudukutan ako ay pinaubaya ko na yung coin purse ko. Pero hindi lamang simpleng sing-sing na puso at silver necklace ang mga yan. Mahalaga sakin ang mga yun dahil bigay sa akin yun ng dalawang taong mahalaga sa akin. Yung pusong sing-sing ay parte talaga ng isang buong sing-sing o puzzle ring. Tatlong parte: dalawang kamay na magka-daum-palad at yung puso ay nasa gitna. Yung kwintas naman ay regalo nila sakin nung huli kong kaarawan. Dun ko lang napagtanto, may mga bagay pala akong kaya kong ibuwis ang sarili kong kaligatasan wag lang mawala sakin. Alam ko, naiinis sila sakin dahil hindi ko sinusuot yung sing-sing eh "Hello!", hugis puso kaya yun, mapagkalaman pa akong bading. Tas binilhan nila ako ng kwintas para gawing pendant na lang yung sing-sing, ganun pa rin, hindi ko pa rin sinusuot aheheheh dahil tulad ng isang kayamanan, dapat nakatago yun kasama ng pera kong tagpi-piso, tiket at resibo.

Para dun sa dalawang taong yun, wag kayo mag-alala, hindi ko 'to bibitawan o iwawala. Remember? Ako yung puso nating tatlo :)

[Recycled] I Was Seeing Things

Guni-guni. Madalas meron ako nyan dahil sa lakas ng imahinasyon ko, sa sobrang lakas e parang nakikita kong kasing gwapo ko si Harrison Ford nung kabataan nya kapag napapatingin ako bigla sa salamin. Ok sana yung mga ganung bagay pero paano kapag iba na?

-----------

January 2010

Ang weird ng araw ko ngayon, nakakita ako ng mga bagay-bagay na napaka-weird.

Kanina habang nagko-call ako may naramdaman na lang akong tao sa likod ko. Tiningnan ko sya ngunit saglit lang, isa syang babae na naka-corporate attire, mahaba ang buhok, morena at nakangiti habang nakatingin sa akin. Hindi ko alam kung gusto nya humingi nung peanut brittle na bigay sakin o isa sya sa mga security personnel na gusto ako pagbawalan kumain habang may call. Panandalian ko lang syang tiningnan at humarap na ulit ako sa monitor para makapag-concentrate sa caller ko na ang laki ng problema, hindi nya alam yung username and password nya. Pero napagtanto ko na para namang ang bastos nung ginawa ko, nginitian na nga nya ako, inisnab ko na naman sya (feeling artista amp) kaya nagpasya akong lingunin sya uli para gumanti ng ngiti. Pero pag lingon ko, wala na sya sa likod ko. Sinubukan ko pa syang hanapin kaso wala na talaga. Imposible namang mawala na lang yun ng ganun kabilis e wala pang 5 segundo ang lumipas ng lingunin ko sya ulit. Weird…

Meron pang isa.

Pag-uwi ko, habang nakasakay sa jeep, napansin ko yung 2 chika babes dun sa dulo ng jeep sa may pinto. Nasa likod ako ng driver naka-upo kaya dulo-dulo ang agwat namin pero kahit ganun kami kalayo sa isa’t isa e kitang kita ko ang ngiti nya. Di ko lang sure kung sakin sya nakangiti dahil naka-shades sya kahit na makulimlim ang panahon na sinabayan pa ng solar eclipse of the heart. E syempre, palalampasin ko ba naman yun, kaya pasimple akong umuurong papalapit sa kanina tuwing may mga sumasakay o bumababa sa jeep. Pasimple ko rin syang tinitingnan, sinusigurado kong ako nga yung nginingitian nya at hindi yung batang nangungulangot sa tabi ko. Paminsan-minsan eh gumaganti rin ako ng smile baka sakaling sakin nga sya nakatingin para give and take kami… eh yun eh kung nakadilat sya sa likod ng mga salamin nya sa mata. Mula sa likod ng drayber e napunta ako sa gitna ng jeep, pasimpleng nag-aadjust ng upo habang sinisilip ang kanyang mga ngiti. Pero napansin ko lang, mula pa nung umpisa e ganun na sya ngumiti, mula Philcoa hanggang SM Fairview, tulog man sya o hindi sa buong byahe. At eto pa, habang papalapit ako ng papalapit sa kanila, dun ko lang napansin na parang may kakaiba sa mga ngiti nya. Parang smile na planted sa mukha na tipong hindi sya nangangawit dahil fixed ito. Isipin mo, bilugang mukha at yung smile e nya ay parang quartermoon ang pagkakalagay. Dahil doon, yung kilig moments ko kanina e unti-unting napalitan ng pagtataka, pagkabalisa hanggang nauwi sa kilabot at takot. Isang usog at slide na lang ng pwet ko sa upuan e parehas na kami ng pwesto sa magkabilang panig ng upuan sa jeep pero hindi ko na tinuloy yun. Nanlamig ako kahit na naka-jacket ako, alam mo ba yung feeling na parang may nakatingin sayo kahit wala naman o di kaya e may umiihip sa batok mo. Kaya nga hanggang sa makababa ako ng jeep e hindi ko na sya tiningnan. Sana wag ko mapanaginipan yung babaeng yun. Feeling ko psycho yun tulad nung isa kong kakilala… clue: girl sya… oh ang ma-react guilty!

[Recycled] Walang Kwenta Dahil Walang Tumatawa Sa Likod Ko

Galing sa lumang blog ko na pinutakte ng mga spammers. Ngayon ko lang ulit nabasa yung dati kong posts. Mga alaala ng nakaraan na halos nakalimutan ko na. Hindi naman sa binubuhat ko ang sarili kong bangko pero elibs ako kung paano ako magsulat dati hindi tulad ngayon. Tamad na akong mag-isip. Kaya heto, iri-relocate ko na lang yung mga dati kong posts. Hindi lahat dahil yung iba ay pilit kong kinakalimutan.

------

Ang nakaraan ng Disyembre 2008… wala na sila.

MICHEL CLAREZA

Mali ang spelling ng pangalan ko!

Pero ok lang dahil nakalagay naman ito sa isang (punit na) manilapaper kung saan nakasulat ang mga pangalan ng mga nominado para sa “Teacher of the Year.”

Oh! Bakit parang di ka makapaniwala. Walang kasinungalingan! Kasama talaga yung pangalan ko. Noong una rin ay hindi ako makapaniwala pero totoo. Hindi ko nga alam kung bakit ako nasama dun e puro kalokohan nga lang ang pinaggagawa ko habang nagtuturo. Ni hindi ko nga alam kung may natutunan ba ang mga estudyante ko sa mga itinuro ko. Masyado atang mababa ang mga kwalipikasyon nila kaya ako nasama hehehe.

Balik tayo sa problema ko.

Masaya na sana ako pero ang pangit nung pagkakasulat ng pangalan ko, mali pa ang spelling. Kung sino man yung nagsulat nun sana… sana… sana wag nya mabasa ‘to! Wahehehehe Takot ako dun eh at may isyu ako sa kapatid nya. Gusto mo malaman yung isyu? I-pm mo ako.

Seryoso.

Masaya talaga ang pakiramdam ko na makita ko ang pangalan ko dun kahit na mali ang pagkakasulat. Isa iyong pagkilala sa kakayahan ko. Dalawang linggong nakapaskil yung manila paper sa pader at tuwing pumupunta ako ng opisina ay yun kagad ang tinitingnan ko. Baka kasi may magbura ng pangalan kong mali ang pagkakasulat. At hindi lang tingin ang ginagawa ko kundi titig… ng ilang minuto na para bang nai-inlove ako. Pero habang nagtatagal e parang nararamdaman ko na may kulang. Hindi ko kagad naisip kung ano yung kulang ngunit nung medyo tumagal-tagal ay nalaman ko rin. Panandalian lang ang pakiramdam ko ng “moment of glory.

Wala yung mga boses ng mga ungas kong mga kaibigan na nang-aasar/nananarantado/nang-aalaska sa akin. Hindi ko marinig ang mga pambabalahura nila sa pagkakanominado ko. Yung mga one liners at mga punchlines. Yung mga nakakalokong banat na kung maririnig mo ay aakalain mo na wala silang paki-alam. Pero sa likod ng mga pang-aasar na yun, alam ko congratulations ang gusto nilang sabihin at ang tawanan nila ay cheer para sa akin. Pero wala ang mga yon.

Asan sila?

Umalis. Nag-resign. Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng boss at empleyado. Nag-apply sa ibang kumpanya. Kung kelan naman malapit na yung Christmas party. May mga naiwan naman kaya lang yung mga umalis e yung mga talagang malapit sa akin. Para sa akin sila yung core nungfriendship at ngayong wala na sila, nabawasan yung mga dahilan ko kaya nananatili ako sa kumpanya namin. Malamang iniisip mo na hindi ako seryoso at professional sa trabaho ko dahil lang sa pag-alis ng ilan sa mga kaibigan ko. Maaari nga. Pasensya na sa masasagasaan, hindi naman talaga ako seryoso nung pumasok ako sa kanila. Napasok lang ako run dahil pinilit ako. Tapos nun nagustuhan ko yung training dahil parang nag-aaral lang ulit ako at nagkaroon ako ng mga bagong kaibigan. Marami akong natutunan sa kumpanya at sa mga bago kong mga kaibigan — advance grammar, gumising ng maaga, proper pronunciation, magbaon ng pananghalian,American accent, teaching strategies, uminom ng alak, tongue twisters, makipaghalikan sa mga babaeng di ko naman talaga kilala, IPA symbols, foreign culture, umuwi ng gabing-gabi na o di kaya’y umaga na. Lumawak din ang kakayahan ko sa pakikipagkapwa tao, tumalas ang listening skills ko at speaking skills ko at marami pang iba. Sa loob ng halos isang taon, naging pangalawang tahanan ko na ang aming kumpanya dahil kung wala akong pasok sa trabaho e dun ako tumatambay kasi alam kong nandun yung mga taong nagbibigay sakin ng saya. Pero ngayong wala na sila, ang dating tahanan ay naging bahay na lang.

Ang laki talaga ng epekto ng mga kaibigan sa buhay natin. Sunod sa pamilya sa tahanan, sila rin yung maghuhubog ng pagkatao natin. Sunod sa guro sa paaralan, tuturuan rin nila tayo ng iba’t ibang kaalaman. Bukod kay Dr. Love e kaya rin nilang magbigay ng mga payo. Sila rin ang kunsensya natin minsan at sa ibang pagkakataon sila ang demonyo. Apektado rin nila ang mga desisyon natin. Sila ay kasiyahan. Minsan ay sila rin ang kalungkutan. Oo, kalungkutan. Ewan ko sa inyo, pero ganyan ang tingin ko sa kanila minsan.

Tulad nung tinitingnan ko yung pangalan ko sa listahan ng mga kandidato para sa “Best Teacher of the Year.” Parang walang kwenta dahil walang tumatawa sa likod ko. Nakatingin lang ako sa wrong spelled na pangalan ko sa manila paper. Walang dating…