Guni-guni. Madalas meron ako nyan dahil sa lakas ng imahinasyon ko, sa sobrang lakas e parang nakikita kong kasing gwapo ko si Harrison Ford nung kabataan nya kapag napapatingin ako bigla sa salamin. Ok sana yung mga ganung bagay pero paano kapag iba na?
-----------
January 2010
Ang weird ng araw ko ngayon, nakakita ako ng mga bagay-bagay na napaka-weird.
Kanina habang nagko-call ako may naramdaman na lang akong tao sa likod ko. Tiningnan ko sya ngunit saglit lang, isa syang babae na naka-corporate attire, mahaba ang buhok, morena at nakangiti habang nakatingin sa akin. Hindi ko alam kung gusto nya humingi nung peanut brittle na bigay sakin o isa sya sa mga security personnel na gusto ako pagbawalan kumain habang may call. Panandalian ko lang syang tiningnan at humarap na ulit ako sa monitor para makapag-concentrate sa caller ko na ang laki ng problema, hindi nya alam yung username and password nya. Pero napagtanto ko na para namang ang bastos nung ginawa ko, nginitian na nga nya ako, inisnab ko na naman sya (feeling artista amp) kaya nagpasya akong lingunin sya uli para gumanti ng ngiti. Pero pag lingon ko, wala na sya sa likod ko. Sinubukan ko pa syang hanapin kaso wala na talaga. Imposible namang mawala na lang yun ng ganun kabilis e wala pang 5 segundo ang lumipas ng lingunin ko sya ulit. Weird…
Meron pang isa.
Pag-uwi ko, habang nakasakay sa jeep, napansin ko yung 2 chika babes dun sa dulo ng jeep sa may pinto. Nasa likod ako ng driver naka-upo kaya dulo-dulo ang agwat namin pero kahit ganun kami kalayo sa isa’t isa e kitang kita ko ang ngiti nya. Di ko lang sure kung sakin sya nakangiti dahil naka-shades sya kahit na makulimlim ang panahon na sinabayan pa ng solar eclipse of the heart. E syempre, palalampasin ko ba naman yun, kaya pasimple akong umuurong papalapit sa kanina tuwing may mga sumasakay o bumababa sa jeep. Pasimple ko rin syang tinitingnan, sinusigurado kong ako nga yung nginingitian nya at hindi yung batang nangungulangot sa tabi ko. Paminsan-minsan eh gumaganti rin ako ng smile baka sakaling sakin nga sya nakatingin para give and take kami… eh yun eh kung nakadilat sya sa likod ng mga salamin nya sa mata. Mula sa likod ng drayber e napunta ako sa gitna ng jeep, pasimpleng nag-aadjust ng upo habang sinisilip ang kanyang mga ngiti. Pero napansin ko lang, mula pa nung umpisa e ganun na sya ngumiti, mula Philcoa hanggang SM Fairview, tulog man sya o hindi sa buong byahe. At eto pa, habang papalapit ako ng papalapit sa kanila, dun ko lang napansin na parang may kakaiba sa mga ngiti nya. Parang smile na planted sa mukha na tipong hindi sya nangangawit dahil fixed ito. Isipin mo, bilugang mukha at yung smile e nya ay parang quartermoon ang pagkakalagay. Dahil doon, yung kilig moments ko kanina e unti-unting napalitan ng pagtataka, pagkabalisa hanggang nauwi sa kilabot at takot. Isang usog at slide na lang ng pwet ko sa upuan e parehas na kami ng pwesto sa magkabilang panig ng upuan sa jeep pero hindi ko na tinuloy yun. Nanlamig ako kahit na naka-jacket ako, alam mo ba yung feeling na parang may nakatingin sayo kahit wala naman o di kaya e may umiihip sa batok mo. Kaya nga hanggang sa makababa ako ng jeep e hindi ko na sya tiningnan. Sana wag ko mapanaginipan yung babaeng yun. Feeling ko psycho yun tulad nung isa kong kakilala… clue: girl sya… oh ang ma-react guilty!
No comments:
Post a Comment