5.4.11

[Recycled] Walang Kwenta Dahil Walang Tumatawa Sa Likod Ko

Galing sa lumang blog ko na pinutakte ng mga spammers. Ngayon ko lang ulit nabasa yung dati kong posts. Mga alaala ng nakaraan na halos nakalimutan ko na. Hindi naman sa binubuhat ko ang sarili kong bangko pero elibs ako kung paano ako magsulat dati hindi tulad ngayon. Tamad na akong mag-isip. Kaya heto, iri-relocate ko na lang yung mga dati kong posts. Hindi lahat dahil yung iba ay pilit kong kinakalimutan.

------

Ang nakaraan ng Disyembre 2008… wala na sila.

MICHEL CLAREZA

Mali ang spelling ng pangalan ko!

Pero ok lang dahil nakalagay naman ito sa isang (punit na) manilapaper kung saan nakasulat ang mga pangalan ng mga nominado para sa “Teacher of the Year.”

Oh! Bakit parang di ka makapaniwala. Walang kasinungalingan! Kasama talaga yung pangalan ko. Noong una rin ay hindi ako makapaniwala pero totoo. Hindi ko nga alam kung bakit ako nasama dun e puro kalokohan nga lang ang pinaggagawa ko habang nagtuturo. Ni hindi ko nga alam kung may natutunan ba ang mga estudyante ko sa mga itinuro ko. Masyado atang mababa ang mga kwalipikasyon nila kaya ako nasama hehehe.

Balik tayo sa problema ko.

Masaya na sana ako pero ang pangit nung pagkakasulat ng pangalan ko, mali pa ang spelling. Kung sino man yung nagsulat nun sana… sana… sana wag nya mabasa ‘to! Wahehehehe Takot ako dun eh at may isyu ako sa kapatid nya. Gusto mo malaman yung isyu? I-pm mo ako.

Seryoso.

Masaya talaga ang pakiramdam ko na makita ko ang pangalan ko dun kahit na mali ang pagkakasulat. Isa iyong pagkilala sa kakayahan ko. Dalawang linggong nakapaskil yung manila paper sa pader at tuwing pumupunta ako ng opisina ay yun kagad ang tinitingnan ko. Baka kasi may magbura ng pangalan kong mali ang pagkakasulat. At hindi lang tingin ang ginagawa ko kundi titig… ng ilang minuto na para bang nai-inlove ako. Pero habang nagtatagal e parang nararamdaman ko na may kulang. Hindi ko kagad naisip kung ano yung kulang ngunit nung medyo tumagal-tagal ay nalaman ko rin. Panandalian lang ang pakiramdam ko ng “moment of glory.

Wala yung mga boses ng mga ungas kong mga kaibigan na nang-aasar/nananarantado/nang-aalaska sa akin. Hindi ko marinig ang mga pambabalahura nila sa pagkakanominado ko. Yung mga one liners at mga punchlines. Yung mga nakakalokong banat na kung maririnig mo ay aakalain mo na wala silang paki-alam. Pero sa likod ng mga pang-aasar na yun, alam ko congratulations ang gusto nilang sabihin at ang tawanan nila ay cheer para sa akin. Pero wala ang mga yon.

Asan sila?

Umalis. Nag-resign. Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng boss at empleyado. Nag-apply sa ibang kumpanya. Kung kelan naman malapit na yung Christmas party. May mga naiwan naman kaya lang yung mga umalis e yung mga talagang malapit sa akin. Para sa akin sila yung core nungfriendship at ngayong wala na sila, nabawasan yung mga dahilan ko kaya nananatili ako sa kumpanya namin. Malamang iniisip mo na hindi ako seryoso at professional sa trabaho ko dahil lang sa pag-alis ng ilan sa mga kaibigan ko. Maaari nga. Pasensya na sa masasagasaan, hindi naman talaga ako seryoso nung pumasok ako sa kanila. Napasok lang ako run dahil pinilit ako. Tapos nun nagustuhan ko yung training dahil parang nag-aaral lang ulit ako at nagkaroon ako ng mga bagong kaibigan. Marami akong natutunan sa kumpanya at sa mga bago kong mga kaibigan — advance grammar, gumising ng maaga, proper pronunciation, magbaon ng pananghalian,American accent, teaching strategies, uminom ng alak, tongue twisters, makipaghalikan sa mga babaeng di ko naman talaga kilala, IPA symbols, foreign culture, umuwi ng gabing-gabi na o di kaya’y umaga na. Lumawak din ang kakayahan ko sa pakikipagkapwa tao, tumalas ang listening skills ko at speaking skills ko at marami pang iba. Sa loob ng halos isang taon, naging pangalawang tahanan ko na ang aming kumpanya dahil kung wala akong pasok sa trabaho e dun ako tumatambay kasi alam kong nandun yung mga taong nagbibigay sakin ng saya. Pero ngayong wala na sila, ang dating tahanan ay naging bahay na lang.

Ang laki talaga ng epekto ng mga kaibigan sa buhay natin. Sunod sa pamilya sa tahanan, sila rin yung maghuhubog ng pagkatao natin. Sunod sa guro sa paaralan, tuturuan rin nila tayo ng iba’t ibang kaalaman. Bukod kay Dr. Love e kaya rin nilang magbigay ng mga payo. Sila rin ang kunsensya natin minsan at sa ibang pagkakataon sila ang demonyo. Apektado rin nila ang mga desisyon natin. Sila ay kasiyahan. Minsan ay sila rin ang kalungkutan. Oo, kalungkutan. Ewan ko sa inyo, pero ganyan ang tingin ko sa kanila minsan.

Tulad nung tinitingnan ko yung pangalan ko sa listahan ng mga kandidato para sa “Best Teacher of the Year.” Parang walang kwenta dahil walang tumatawa sa likod ko. Nakatingin lang ako sa wrong spelled na pangalan ko sa manila paper. Walang dating…

No comments: